PHILIPPINE REVOLUTION WEBCENTRAL

Pinakamataas na Pagpupugay kay Ka Ems (Jeric Gestole), Tapat na Anak ng Bayan! Kriminal na 83rd IBPA, Pagbayarin!

Mahigpit na kinokondena ng Tomas Pilapil Command (TPC) ang 83rd IB PA/9th ID sa marahas na pagpaslang (Summary Execution) kay “Kasamang Ems” o Jeric M. Gestole.

Si “Kasamang Ems” o Jeric M. Gestone ay tubong Bulan, Sorsogon na nahuli ng tropa ng 83rd IB PA matapos maganap ang dalawang labanan noong Abril 9, 2018 sa pagitan ng limang (5) kasapi ng BHB at isang platun ng militar na nag-ooperasyon sa Brgy. Gubat, Lagonoy, Camarines Sur.

Dalawang magkakasunod na labanan ang naganap sa barangay Gubat, bayan ng Lagonoy:

Alas 8:30 ng umaga , hinaras ng isang tim ng kasama ang tropa ng 83rd IB PA na nag-operasyon sa baryo. Ayon sa impormasyon na nakalap sa lugar, dalawa ang kumpirmadong tinamaan sa hanay ng militar, dalawa ang patay at tatlo ang sugatan na nakitang kinuha at isinakay sa military truck bandang hapon.

Bandang alas 9:00 ng umaga habang nagmamaniobra ang mga kasama ay naka-engkwentro nila ang isang kolum ng kaaway. Makalipas ang ilang minutong putukan, si Jeric “ Ka Ems” ay agad na tinamaan sa tuhod. Hindi na ito nakalayo sa pinangyarihan ng engkwentro dahil sa tama na nagresulta sa pagkaputol ng buto ng kanyang isang paa. Nabitawan na rin ni kasamang Ems ang kanyang hawak na baril . Nagsikap itong kumubli na lamang sa damuhan ilampung metro ang distansya sa pinangyarihan.

Bandang 1:30 ng hapon, natagpuan at hinuli ito ng mga militar na naggalugad sa lugar. Kinaladkad nila ito saka binaril sa ulo. Kaya maituturing na “hors de combat” o wala ng kakayahan lumaban si Jeric Gestone.

Para manipulahin ng militar ang kanilang paglabag sa karapatang pantao na ginagarantiyahan ng mga Tuntunin at Kondukta ng Digma sa internal conflict na nakasaad sa Geneva Convention at Comprehensive Agreement on Respect on Human Rigths and International Humanitarian Law (CARHRIHL) isang minutong nagpaputok ng mga baril ang militar upang palabasin na sa isang lehitimong engkwentro nasawi si Jeric Gestone. Si Jeric Gestone ay buhay at sugatan nang matagpuan ng kaaway at walang habas na pinaslang .

Kaugnay nito, ginagawaran ng Tomas Pilapil Command ng pinakamataas na parangal at pulang pagsaludo si Jeric M. Gestone a.k.a “Ka Ems”, isang kabataan na sa edad na dalawampung taon gulang ay walang pag-iimbot na nag-alay ng sariling buhay para paglingkuran ang sambayanang pilipino. Isang kabataang bayani ng masang api.

Topics: NPA, AFP, CARHRIHL, Hors De Combat, Jeric M. Gestole
Back to statements