PHILIPPINE REVOLUTION WEBCENTRAL

Editoryal

Makibaka sa harap ng krisis at pasismo

Mabilis na lumalala ang krisis pangkabuhayan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Milyun-milyon ang lugmok sa sumisidhing hirap at gutom sa harap ng pumapaimbulog na presyo ng mga bilihin, dagdag na pabigat na buwis at sumasadsad na sahod at kita. Pawang buladas ang pinangakong “pagbabago” ni Duterte. Malinaw ngayon na sa landas lamang ng pag-oorganisa at pakikibaka maisusulong ng mamamayan ang kanilang kapakanan.

Bulag na pinalawig ni Duterte ang dati nang pahirap na patakarang neoliberal sa ekonomya at lipunan. Pinakamabigat sa mga ito ang batas na TRAIN na nagpataw ng kabi-kabilang dagdag na pasaning buwis. Mula nang isagasa ito noong Enero, napakabilis ng pagsirit ng presyo ng mga bilihin, laluna ng mga batayang pangangailangan. Pumatong at lalo pang nagpalala rito ang umaabot na sa humigit-kumulang 40% pagtaas sa presyo ng diesel at iba pang produktong petrolyo.

Lubhang kulang ang sahod ng mga manggagawa at karaniwang mga kawani para makaagapay sa pagsirit ng mga presyo. Ang kakarampot na minimum na sahod ay wala pa sa kalahati ng kailangan para disenteng mabuhay ang isang karaniwang laking pamilya. Milyun-milyon ang nagkakandarapa kung papaanong itatawid ang araw-araw sa harap ng pagtaas ng gastos sa pagkain, upa, tubig, kuryente, pamasahe, pag-aaral, pagpapagamot at iba pa.
Milyun-milyon ang pinagkakaitan ng tamang sahod at mga benepisyo, kabilang ang karapatan sa seguridad sa trabaho. Halos siyam na milyong Pilipino ang wala o kulang ang trabaho, dagdag pa sa mahigit 27 milyong hindi na ibinibilang ng estado sa pwersa ng paggawa. Marami ang pinagtatrabaho sa peligrosong mga kundisyon. Dagdag na pang-aapi pa ang kontraktwal na sistema ng pag-eempleyo, na pinangakong tapusin pero bigong tuparin ni Duterte.

Sa buong bansa, kaliwa’t kanan ang pangangamkam ng lupa ng mga panginoong maylupa at mga kapitalista sa real estate at agribisnes para bigyang-daan ang mga komersyal na pananim, plantasyon, proyektong pang-imprastruktura o pang-enerhiya, trosohan at mga mina. Bingi si Duterte sa hinaing ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa; mas interesado siya sa mga sosyohan sa agrikultura sa mga dayuhan, laluna sa itinutulak niyang pagtatanim ng goma at oil palm.

Itinutulak ng masidhing sosyo-ekonomikong krisis ang mamamayang Pilipino na makibaka upang ipagtanggol at isulong ang kanilang kagalingan at kapakanan. Sumisiklab-siklab ang mga paglaban ng masang anakpawis. Nitong nagdaang ilang linggo, sunud-sunod na pumutok ang ilang welga at kilos-protesta ng mga manggagawa. Komun na kahilingan nilang gawing regular ang lahat ng manggagawang kontraktwal at itaas ang minimum na sahod.

Sa kanayunan, patuloy din ang pagsulong ng mga pakikibakang magsasaka para isulong ang tunay na reporma sa lupa at igiit ang karapatan sa lupang matagal na nilang sinasaka. Naglulunsad sila ng sama-samang okupasyon at pagbubungkal sa lupa. Pinalalakas nila ang kanilang sigaw para tuluyan nang wakasan ang CARP, ang huwad na programa sa reporma sa lupa.

Sumusulong din ang pakikibaka ng mga guro, kawani ng pamahalaan, mga estudyante at iba pang mga demokratikong sektor para sa dagdag na sweldo, libreng edukasyon at iba pang serbisyong pampubliko.
Mula nang maupo si Duterte sa poder, wala siyang ipinatupad na bagong hakbang o patakaran para ipihit ang direksyon ng lokal na ekonomya at iahon ito mula sa pagkasadlak sa krisis. Sa posibleng matuloy na pakikipag-usapang pangkapayapaan kay Duterte, takdang adyenda ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyonómga susing usaping itinutulak ng NDFP bilang pinakamahalagang hakbangin para iahon ang masang anakpawis sa kinasasadlakang krisis at kamtin ang pangmatagalang kapayapaan.

Sa nakaraang dalawang taon, nagbingi-bingihan si Duterte sa hinaing ng mahihirap. Tiraniya at terorismo ang ipinalaganap ng pasistang rehimen sa imbing layong supilin ang mga paglaban, at gayo’y pairalin ang kanyang tipo ng kapayapaan – yaong hangad ng mga nagsasamantala at nang-aaping mga uri. Ginagamit ni Duterte ang militar at pulis sa panunupil. Laganap ang mga kaso ng pagpatay, pag-aresto, pagkulong at pagsasampa ng gawa-gawang kaso.

Subalit hindi mapipigilan ang pagbabangon ng mamamayang Pilipino. Binabasag nila ang takot na ipinapataw ni Duterte at nagpupunyaging sumulong sa landas ng paglaban. Hindi pwedeng manahimik at tiisin na lamang ang pang-aapi at pagpapahirap sa kanila. Humahalaw sila ng lakas sa kanilang pagkakaisa at matatag na sumusulong sa landas ng paglaban. Ang sumisiklab na mga paglaba’y nagbabadyang maging higanteng apoy. Hindi magtatagal, dadagundong sa buong bansa ang mga yabag ng nagngangalit na mamamayan at yayanigin ang poder ng naghahari-hariang si Duterte.

[ Article 1 of 13 ]

7 Hunyo 2018

Translations: English • Bisaya

Makibaka sa harap ng krisis at pasismo

PNP, inambus ng BHB sa Mt. Province

BBL ni Duterte, lalong nagpapaalab sa pakikibakang Moro*

Unang taon ng batas militar, sinalubong ng protesta

Ipagtanggol ang mga eskwelahang Lumad

Burukrata-kapitalistang korapsyon

CARP, ipinalilibing

Mga manggagawa sa NutriAsia, nagwelga

Parada laban sa tiraniya at para sa karapatan

Mapaniil na National ID system

Mga katutubo, sapilitang napalikas

Parangal kay Ka Pepe Luneta

BBL, ginutay-gutay ng Kongreso

Other Issues