PHILIPPINE REVOLUTION WEBCENTRAL

Editoryal

Singilin si Duterte

Mahigit walong buwan nang nasa poder si President Rodrigo Duterte ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Sa kabila ng sapat na panahon, wala pa siyang nagagawang makabuluhang hakbangin upang tuparin ang kanyang mga pangakong solusyon sa malalaking problema ng bayan at patunayan ang ipinagmamalaki niyang pagiging maka-Kaliwa.

Wala pa siyang kongkretong hakbangin upang lutasin ang mga tampok na problema ng mababang sahod, malawak na kawalan ng trabaho, kawalan ng sariling lupang sakahan, kawalan ng disenteng pabahay, nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo at iba pa.

Ang mga pangakong patuloy na binibitawan ni Duterte ay lalo lamang dumaragdag sa poot ng bayan sa naghaharing sistema. Hindi mapipigilan ang patuloy na paglakas ng mga pakikibakang masa laluna sa harap ng patuloy na paglala ng iba’t ibang anyo ng pagpapahirap at pagsasamantala sa mga manggagawa at iba pang inaaping uri.

Umaapaw na ang galit ng mga manggagawa sa bigong pangako ni Duterte na ibabasura ang tinaguriang “endo” o kontraktwalisasyon. Sa halip na wakasan, lalo pang pinagtitibay ng rehimeng Duterte ang “endo” sa itinutulak na “win-win solution” ng Department of Labor and Employment (DOLE) na lalong nagpapatibay sa sistema ng kontraktwalisasyon sa pagtatakda nito ng mga “pamantayan” para sa mga “labor agency.” Mariin nang itinakwil ng mga manggagawa ang “solusyong” ito.

Dismayado ang mga manggagawa na walang pagsuporta si Duterte sa kanilang panawagan para sa karagdagang sahod. Taliwas dito, ang pinaiiral na mga patakarang pang-ekonomya sa ilalim ng rehimeng Duterte ay walang pinagkaiba sa nakaraang mga patakaran ng pagpigil sa pagtaas sa sahod ng mga manggagawa upang akitin ang mga dayuhang kapitalistang mamumuhunan.

Dismayado rin ang mga manggagawa na wala man lamang ginawang hakbangin ang rehimeng Duterte upang ungkatin ang katotohanan sa likod ng naging malaking sunog sa pabrikang HTI sa Cavite Export Proccessing Zone (CEPZ) noong Pebrero 1-2. Wala rin siyang anumang hakbangin para tugunan ang hinaing ng mga manggagawang dumaranas ng labis na kaapihan at pagsasamantala sa loob ng mga engklabong paggawa tulad sa CEPZ.

Walang pagpapahalaga ang rehimeng Duterte ang tunay na reporma sa lupa. Nagpapahayag siya ng suporta sa pamamahagi ng mga pampublikong lupa, subalit tumatahimik sa monopolyo sa produktibong lupang agrikultural ng mga panginoong maylupa at malalaking dayuhang kapitalistang plantasyon. Lalong sumisidhi ang problema ng kawalan ng lupa at iba’t ibang anyo ng pang-aagaw ng lupa. Wala pang pagsasakatuparan sa ipinangakong libreng irigasyon o iba pang suporta ng gubyerno sa agrikultura.

Tahimik na tahimik din si Duterte sa mararahas na armadong pag atake sa mga magsasakang naggigiit ng kanilang karapatan sa lupa. Mula nang ideklara ang Oplan Kapayapaan, hindi bababa sa tatlong magsasaka kada linggo ang pinatay ng mga armadong pwersa ng estado. Dumanas rin ng armadong pagsupil ang magsasaka sa Palawan, Compostela Valley, Capiz at Negros. Wala ring imik si Duterte nang sumambulat ang usapin ng daan-daang sakada na inaalipin sa Hacienda Luisita.

Wala pang nakikitang pagbabago o mga hakbangin para baguhin ang kalagayan ng mga masang anakpawis, mga kabataan, kababaihan, estudyante, guro, mga karaniwang kawani at iba pang panggitnang saray.

Sigaw ng mga mamamalakaya ang ibasura ang Fisheries Code. Sigaw ng mga kabataan ang libreng edukasyon at pagbabasura sa K-12. Sigaw ng mga drayber at opereytor ng dyip ang ibasura ang planong “jeepney phase-out.” Sigaw ng mga maralitang lungsod ang wakasan ang pribatisasyon ng serbisyong pabahay. Sigaw ng mga manggagawa at mga regular na kawani ang ibalik ang pambansang minimum na sahod. Sigaw ng bayan na wakasan ang mga pagkaltas sa badyet at gawing libre ang serbisyong pangkalusugan, pang-edukasyon at iba pang kailangang-kailangang serbisyong pampubliko.

Lahat ng mga sigaw na ito ay nilulunod ng nangingibabaw na neoliberal na boses ng dayuhang malalaking kapitalista, malalaking burgesyang komprador at uring panginoong maylupa na tunay na pinagsisilbihan ng reaksyunaryong rehimeng Duterte.

Maging ang naunang mga deklarasyong anti-US at pagkundena sa panghihimasok militar ay nananatiling palipad-hangin. Hindi lamang binawi ni Duterte ang bantang ibabasura ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), pinahintulutan din niyang ituloy ng militar ng US ang plano nitong pagtatayo ng mga pasilidad at base sa loob ng mga kampong militar ng AFP para paglagakan ng mga kagamitang militar at paglunsaran ng mga operasyon.

Patuloy na malayang nakapaglalabas-masok ang mga barko at eroplanong pandigma ng US at nagagamit ang Pilipinas bilang isang malaking base militar ng US. Bigong igiit ni Duterte ang demilitarisasyon ng South China Sea sa harap ng lumalaking presensyang militar rito ng magkakaribal na pwersa ng US, China at maging ng Russia. Patuloy ding ginagamit ng imperyalismong US ang AFP upang itulak ang doktrinang counterinsurgency at supilin ang mga pwersang anti-imperyalista.

Taliwas sa kanyang deklarasyong maka-Kaliwa, walang pakundangan si Duterte sa paglapastangan sa mga karapatang-tao, sa tinagurian mang gera kontra-droga o sa idineklarang todong gera ng AFP. Matapos ng pakitang-taong pagtigil ng Oplan Tokhang sa harap ng malawakang pagkundena rito, itinuloy ng pulisya ang mga operasyon nito, kahit wala pang katarungan para sa mahigit nang 7,000 biktima ng pamamaslang ng mga pulis at death squad na karamiha’y naninirahan sa mga maralitang komunidad sa kalunsuran.

Sa kanayunan, walang habas ang AFP sa paglulunsad ng todo-gera para supilin ang mga pakikibakang demokratiko at ang armadong paglaban ng mamamayan. Mula North Luzon hanggang South Mindanao, kaliwa’t kanan ang mga pambobomba at panganganyon, pamamaslang, iligal na pagrerekisa, pang-aaresto at pambubugbog, pwersahang pagbabakwit sa mga buu-buong baryo, okupasyon ng mga barangay hall at mga istrukturang sibilyan.

Sa harap ng kawalan ng tunay na pagbabago sa ilalim ng rehimeng Duterte, dapat masigasig na kumilos ang sambayanan upang singilin siya sa kanyang mga binitawang pangako. Dapat igiit ang mga hakbangin, patakaran at programang kailangang-kailangan para sa kapakanan ng mamamayan. Dapat din siyang itulak na makipagnegosasyong pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), makipagkasundo sa mga saligang usaping sosyo-ekonomiko at pampulitika at pirmahan ang mga kasunduan kaugnay nito sa lalong madaling panahon.

Hangga’t hindi pinangangatawanan ni Duterte ang sinabi niyang siya’y maka-Kaliwa at makamahirap, siya na rin mismo ang nagtutulak sa sambayanan na itakwil ang kanyang gubyerno katulad ng nagdaang mga reaksyunaryong gubyerno na kumatawan sa interes ng mga naghaharing uri at yumurak sa interes at kagalingan ng sambayanan.

Dapat ibayong palakasin ang mga pagkilos ng uring manggagawa, magsasaka at masang anakpawis, ng kabataan-estudyante, kababaihan at iba pang demokratikong sektor, para isulong at palakasin ang kanilang mga pakikibakang demokratiko, anti-imperyalista, antipyudal at antipasista, at paalingawngawin ang sigaw para sa rebolusyonaryong pagbabago ng lipunang Pilipino.

[ Article 1 of 9 ]

7 Marso 2017

Singilin si Duterte

8 sibilyan, pinatay ng mga ahenteng estado

Panawagang #PeacetalksItuloy, lumaganap

Welga sa transportasyon, inilunsad

Bungkalan sa Batangas, matagumpay

Mga opensiba, tuluy-tuloy sa Luzon at Mindanao

Kontraktwalisasyon, tuloy pa rin

Ang Kababaihan sa Rebolusyong Oktubre

Ang Unang Marso 8

Other Issues