PNP, inambus sa Mt. Province

INAMBUS NG Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mt. Province ang nag-ooperasyong tropa ng Philippine National Police (PNP) na nagtangkang isabotahe ang pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng BHB noong Marso 29.

Pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang mga pulis bandang alas-9 ng umaga sa Mt. Gonggong-o sa bayan ng Bauko. Isang pulis ang namatay at isa ang nasugatan. Noong Marso 31, pinaputukan din ng yunit ng BHB ang mga pulis at sundalo na bumuntot sa yunit na naglunsad ng opensiba sa Mt. Makilakilat, Tadian.

Sa Panay, anim na operasyong haras ang inilunsad ng BHB. Kinabibilangan ito ng mga pagpapaputok sa detatsment ng CAFGU Active Auxiliary sa Barangay Osorio I, San Remegio, Antique noong Marso 15 at 19; sa mga pwersa ng CAFGU noong Marso 19; mga detatsment ng CAA sa Barangay Igcococ, Sibalom at Barangay Tubudan, San Remegio sa parehong prubinsya noong Marso 24; at sa mga pwersa ng PNP sa Barangay Boloc, Tubungan, Iloilo noong Marso 30.

Sa Eastern Samar, pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang istasyon ng PNP sa Barangay Poblacion, Motiong, Samar noong Marso 11 at detatsment ng 87th IB sa Barangay Can-aponte, San Jose de Buan. Isang pulis ang napatay at dalawa ang nasugatan.

Tatlong aksyong militar naman ang naiulat ng BHB-Northern Negros. Kabilang dito ang operasyong haras laban sa 12th IB-CAFGU sa Sityo Pulupangyan, Barangay Bug-ang, Toboso noong Marso 19 at sa isang yunit ng AFP sa Sityo Fuentes, Mabini, Escalante City noong Marso 21.

Noon ding Marso 21, dinisarmahan ng BHB ang mga elemento ng RPA/SCAA sa Sityo Mayana, Barangay Bago, Don Salvador Benedicto. Nakakumpiska ang BHB ng limang pistola at mga bala.

Pitong aksyong militar naman ang inilunsad ng BHB-North Central Mindanao mula Marso 2 hanggang Abril 5. Kabilang dito ang mga operasyong haras laban sa 58th IB sa mga bayan ng Salay, Claveria at Lagonglong, Misamis Oriental. Limang sundalo ang napatay at isa ang nasugatan. Pinaputukan din ng BHB ang 23rd IB sa Buenavista, Agusan del Norte at 8th IB sa Impasug-ong, Bukidnon kung saan isang sundalo ang napatay.

Noong Marso 15, pitong sundalo ng 8th IB ang nasugatan sa operasyong demolisyon ng BHB sa New Tubigon, Barangay Busdi, Malaybalay City. Sa parehong araw, tinambangan ng BHB ang isa pang yunit ng 8th IB sa Sityo Magawa, Barangay Bulonay, Impagsug-ong kung saan isang sundalo ang napatay.

Dalawang beses pinaralisa ng BHB ang kumpanyang Davao Agriventure Corporation noong Marso 10 at Abril 5 sa Bukidnon. Nakumpiska ng BHB ang isang shotgun at mga bala.