NHA, kinalampag ng maralitang-lunsod

Kinalampag ng 500 maralitang-lunsod sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ang upisina ng National Housing Authority (NHA) noong Enero 7.

Lumahok ang mga kasapi ng KADAMAY mula sa Pandi, Bulacan na nagtagumpay sa pag-okupa ng tiwangwang na pabahay. Ipi­na­na­wa­gan nila ang kagyat na pagbibigay ng titulo ng mga yunit ng bahay na kanilang tinitirhan at ang pagkakabit ng direktang linya ng kuryente at tubig sa mga pabahay na ito.

Halos dalawang taon nang nakatira ang mga maralita sa naturang pabahay ngunit hanggang ngayon ay walang aksyon ang NHA sa kanilang mga hinaing.

Lumahok din sa protesta ang mga maralita mula sa Montalban, Rizal at mga komunidad ng Maynila na mayroong banta ng demolisyon. Ayon sa KADAMAY, busog ang badyet ng gubyerno sa maka-negosyong programang ‘Build Build Build’ samantalang wala para sa pagbibigay ng serbisyong pabahay.