Protesta laban sa pagtaas ng presyo ng langis, inilunsad sa France

Hindi bababa sa 283,000 mamamayan ng France ang lumahok sa mahigit 2,000 koordinadong kilos-protesta noong Nobyembre 17 laban sa mga kontra-mamamayang patakarang ipinatupad ng presidente nilang si Emmanuel Macron.

Kabilang sa labis na ikinagagalit ng mga nagprotesta ang pagpapataw ng dagdag na buwis sa mga produktong petrolyo na nagtulak sa tuluy-tuloy na pagtaas ng mga presyo nito. Dumagundong ang sigaw na “Macron resign!” ng mga nagprotesta.

Marahas na sinupil ng mga pulis ang protesta gamit ang mga tear gas. Mahigit 220 ang nasaktan at 100 ang inaresto ng mga pulis.

Tinawag ang pagkilos na “yellow vests movement” na tumutukoy sa isinusuot ng mga nagprotesta na dilaw na tsaleko na karaniwang sinusuot ng mga drayber sa bansa kapag biglaang nagkakaproblema ang kanilang sasakyan.

Sinarhan ang mga pangunahing kalsada ng iba’t ibang syudad, kabilang ang Paris, kabisera ng France, bilang pagpapahayag ng kanilang pagtutol. Ayon sa mga nagprotesta, sinisimbolo ng kanilang pagharang sa mga mayorna daan ang pagkakahiwalay ng rehimeng Macron sa mamamayan dulot ng pagbabalewala nito sa kanilang araw-araw na paghihirap.