Ang gawaing kultura sa rebolusyonaryong base

 

Sinalubong ng dalawang milisya ang mga kasamang bumisita sa isang larangang gerilya ng Bicol nitong Oktubre. Magiliw nilang kinumusta ang mga dumating. Makalipas ang ilang minutong lakaran, sinalubong sila ng mahigpit na mga pakikipag-kamay ng kumander ng platun ng Bagong Hukbong Bayan.

Si Ka Leon, ang isa sa mga sumalubong, at ang kumander ng platun na si Ka Bager ay parehong dating myembro ng grupong pangkultura sa Barangay Lemon. Itinayo ng mga kasama ang naturang grupo 15 taon na ang nakararaan. Matapos ang mahigit isang dekada, naging mahuhusay nang pwersa ng rebolusyon ang puu-puong kabataan at kanilang mga nakatatanda na nahubog sa rebolusyonaryong gawaing pangkultura sa baryo at mga kanugnog nito.

Bandang 2002, nagpakat ng tim ang namumunong komite ng Partido sa lugar upang magbuo ng mga grupong pangkultura sa mga baryo. Nakasanib sa BHB ang tim na ito at kasabay sa araw-araw na gawain ng hukbo. Nang panahong iyon, bagong-buo pa lamang ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) sa baryo. Nagsisimula pa rin lamang lumarga ang kampanya para mapababa ang porsyentong kinakaltas ng mga komprador sa produkto ng mga magniniyog.

Nakatyempo sa mga aktibidad na ito ang pagkakabuo ng unang grupong pangkultura. Ang pyesang una nilang pinraktis ay sadyang nilikha para sa kampanya. Pinalitan ng progresibong liriks ang isang sikat na kanta noon at nilangkapan ng karampatang sayaw. Kwento ng isa sa mga organisador na si Ka Jabi, “ang pagtanghal ng grupong pangkultura para sa mga aktibidad kaugnay ng kampanya ay hindi lamang para aliwin ang mga tao kapag sila ay pagod na, kundi para itanghal ang sining ng mamamayan.”

Ito rin ang dahilan kung bakit naging madali para sa mga organisador na mapalahok ang unang mga myembro. Karamihan ay mga bata at kabataang anak ng mga kasapi ng PKM ang inimbitahan para buuin ang grupo. Sumasaklaw ng otso hanggang 18 ang karaniwang edad ng mga myembro. Maliban sa hilig ng mga kabataan ang pagkanta at pagsayaw, unawa rin nila ang ipinaglalaban ng kanilang mga kababaryo at mga karatig-barangay.

Kasabay ng tagumpay ng laban ng mga magniniyog sa kulumpong iyon ng mga baryo ay ang pag-abot ng grupo sa mga residente sa iba pang lugar. Hindi nagtagal ay naiimbita na silang magtanghal sa mga pista at eskwelahan. Ilang pagkakataon ding inimbita sila upang tumugtog at kumanta sa radyo. Syempre pa, sa mga aktibidad sa loob ng sonang gerilya, laging may pagtatanghal ang mga grupo.

Nilinaw ni Ka Jabi na hindi limitado sa pagtugtog, pagkanta at pagsayaw ang gawain ng grupo. “Binuo sila bilang isang tsapter ng Kabataang Makabayan. Ang mga pagtitipon ay hindi lamang para magpraktis, kundi para na rin mag-aral sa PADEPA (Pambansa Demokratikong Paaralan), magplano at iba pa.” Kabilang sa pangunahin nilang pinag-aaralan ay ang oryentasyon sa rebolusyonaryong gawaing pangkultura, at mga sulatin nina Mao at Sison hinggil sa kultura. Kung sa pag-oorganisa naman, ang mga bata na rin ang nagboboluntir sa pag-imbita ng kanilang mga kababaryo, kaklase at kakilala sa kalapit na mga barangay.

Nang binuo ang grupo, dalawa sa myembro nito ay mga kagawad ng sangay ng Partido sa lokalidad, kaya’t nasusubaybayan at nagagabayan ang grupo. Nito lamang nagdaang ilang taon, ipinasa na sa Komiteng Seksyon ang paggabay sa kanila. Tumutulong din sa pangangasiwa ang dating mga myembro. Kahit malayo ang yunit ng hukbo at mga organisador, nagagawa na ng grupo na makapag-ensayo nang sarili. Sa pagdaan ng panahon, at sa mga inilunsad na workshop, ay naarmasan na rin sila ng kakayahang magbuo ng mga malikhaing galaw para sa pyesang itatanghal.

Umabot sa mahigit sampu ang mga grupong pangkulturang nabuo sa saklaw ng larangang gerilya. Karamihan sa mga narekrut sa mga ito ay mga kabataan, ngunit mayroon ding grupong pangkultura ng mga nanay at iba pang nakatatanda. Kwento ni Ka Jabi, nitong huling nag-imprenta sila ng mga t-shirt ng grupo sa klaster ng Barangay Lemon, umabot sa mahigit isandaan ang nabilang na kasalukuyan at dating mga myembro.

Ang iba sa mga grupo ay lumapit mismo sa mga organisador at nagpatulong na mabuo ang kanilang grupo. Sa iba pang bayan na pinakatan ng mga organisador, naging epektibo ang tugtugan at kantahan. Dagdag pa ni Ka Jabi, “sa bagong erya, nagsimula lang kami sa pagtugtog ng gitara at pagkanta. Alam ng masa kung para kanino ang awitin ng mga kasama. Pagkatapos niyon, talakayan naman.” Dahil sa hilig ng masang magsasaka sa mga kantahan, hinaharana sila ng mga kasama ng rebolusyonaryong mga awit.
Minsan naman, nagboluntaryo ang isang nanay na myembro ng choir sa lokal na parokya na i-areglo ang mga mang-aawit ng grupong kinabibilangan ng kanyang anak. Nawiwiling alala ni Ka Jabi, “nagulat na lang kami nang kinanta nila ang Internationale na may iba’t ibang boses na!” Sa baryong tinutukoy ni Ka Jabi, siyam na myembro ng grupo ang sabay-sabay na sumampa sa hukbong bayan.

Hindi na mabilang sa daliri ang mga nagmula sa mga grupong pangkultura na nagpultaym sa BHB. Kung hindi man naghukbo ay naging aktibong mga myembro sila ng mga sangay ng Partido sa lokalidad. Sina Ka Leon at Ka Bager ay kabilang sa ikalawang bats ng grupong pangkultura sa kanilang baryo. Ang isa sa naunang mga myembro, si Ka Raul, ay kasalukuyang kadre ng Komiteng Seksyon at kasapi ng lokal na yunit gerilya. Aktibo naman sa organisasyong masa ang iba pang kapatid ni Ka Bager na ka-bats niya rin sa grupo.

Paano naikikintal sa kanila ang mataas na diwang rebolusyonaryo? “Paraan ng pag-iisip, paninindigan at paggawa ang binabago ng rebolusyonaryong kultura,” sabi ni Ka Jabi. “Sa mahabang panahong pag-iral ng mga grupong pangkultura, natuturuang magsuri ang mga myembro. Kahit sa simpleng panonood ng telebisyon at pakikinig sa radyo, alam ng mga bata kung ano ang makatotohanan at hindi, ang tama at mali. Maging sa loob ng pamilya at sa baryo ay wastong nahaharap ng mga myembro ang mga problema, halimbawa’y pagpuna sa magulang na may bisyo, o kaya’y pagpaliwanag sa kapwa kabataan sa baryo na may maling pananaw sa grupo.”

Malaking salik din sa paghubog sa rebolusyonaryong tindig ng grupo ang malimit na pakikisalamuha sa hukbong bayan. Saksi sila sa mga katangian at gawain ng BHB, na nakaeengganyo sa kanilang sumapi pagsapit ng hustong gulang.

Bagamat hindi maiwasan ang minsang pagkahilig sa mga kantang burges, mulat ang mga myembro ng grupo na magpatugtog ng mga rebolusyonaryo at progresibong awitin, laluna kapag magkakasama sila sa mga ensayo. Malaking tulong din ang mga pagtatanghal upang baklasin ang pagkamahiyain ng masang magsasaka. Dahil sa mga pagtatanghal, mula pagkabata ay nasasanay ang mga myembro na humarap sa maraming tao. Puhunan na rin ito sa pagbalikat nila ng papalaking mga tungkulin sa rebolusyon, halimbawa’y sa pagbibigay ng pag-aaral, pagkumpronta sa panginoong maylupa, pagkumand sa hukbo at iba pa.

Kabilang din sa programa ng komite ng Partido ay ang paglulunsad ng mga paligsahan sa isports. Sa nagdaang mga taon, ilang torneyo na ng basketbol ang inilunsad sa dalawang magkanugnog na kulumpon ng mga baryo. May panahong maging ang mga kabataan sa kabilang larangang gerilya ay dumayo pa at nakipaglaro.

Hamon ngayon kina Ka Jabi, liban pa sa pagsustine sa mga grupo, ay ang pag-aangat ng porma ng mga pagtatanghal. Napansin niya na sa bagong mga bats, kapag nagbibinata na’t nagdadalaga ang mga myembro ay nahihiya nang magtanghal. Para sa mga organisador, kinailangang iangkop ang pyesa maging sa mga nagtatanghal, at hindi lamang sa mga manonood. Kung kaya, may langkap nang musikang rap, sayaw na hip-hop at iba pang kontemporaryong elemento ang kanilang mga pyesa, tulad ng kinagigiliwan ngayon ng mga kabataan na spoken word o tulang naratibo. Kailangan din ng mga tipo ng pagtatanghal na nananatiling patok sa masa, tulad ng mga konsyerto at mga iskit o maiiksing dula na maaaring itanghal saanman.

Higit na susulong ang gawaing pangkultura sa larangang gerilya, lalupa’t nakatakda nang lagumin ang mayamang karanasan ng mga grupo. Sa klaster pa lamang na kinabibilangan ng Barangay Lemon, hindi bababa sa 40 ang kasalukuyang bilang ng myembro. Mas marami pa ang gustong magpaloob sa mga grupo, ayon kay Ka Jabi. Ang mga grupong pangkultura na ito ay mananatiling balon ng mga tulad nina Ka Raul, Ka Bager, Ka Leon at ang puu-puong kasapi na humuhubog sa rebolusyonaryong kultura sa kanayunan.