5 sibilyan, pinaslang ng rehimen

Humahaba ang madugong rekord ng rehimeng Duterte sa walang-tigil na pagpaslang sa mga sibilyang biktima ng kahirapan sa ilalim ng kanyang pamumuno. Nitong nagdaang dalawang linggo, limang sibilyan ang naiulat na pinaslang ng mga armadong tauhan ng estado.

Noong Oktubre 6 ng umaga sa Negros Oriental, pinatay sa pamamaril ng armadong mga pwersa ng estado si Jaime delos Santos, 62, sa harap ng isang panaderya sa Guihulngan City. Si delos Santos ang tagapangulo ng Pamalakaya sa lugar. Nang araw ding iyon, pinatay sa pamamaril si Daniel Tejamo sa bayan ng Libertad. Si Tejamo ay lider ng Bugsay Mangingisda sa kanilang bayan.

Sa Maguindanao, patay ang 43-taong gulang na si Mariam Acob, boluntir ng Kawagib Moro Human Rights, matapos pagbabarilin ng hinihinalang mga elemento ng militar noong Setyembre 23, dakong alas-3 ng hapon sa Mamasapano.

Pauwi si Acob sakay ng kanyang motorsiklo nang pagbabarilin ng dalawang lalaking magka-angkas sa isa pang motorsiklo. Pitong beses siyang pinaputukan na agad niya ikinamatay.

Ayon sa Kawagib, ilang linggo bago ang pagpatay kay Acob, sunud-sunod ang natanggap niyang pagbabanta. Si Acob ay kilalang tagapagtanggol ng karapatang-tao at kritiko ng militarisasyon sa kanilang prubinsya. Lider din siya ng Tindeg Bangsamoro, isang organisasyon ng mga bakwit sa Maguindanao.

Sa Sorsogon, namatay si Salvador Gracilla, 36 taong gulang na mangingisda, matapos barilin ng mga sundalo ng 31st IB noong gabi ng Setyembre 27 ang kanyang bahay sa Barangay Recto, Bulan kung saan pansamantalang tumuloy ang isang iskwad ng BHB. Nasa loob din ng bahay ng panahong iyon ang asawa ni Gracilla at tatlo nilang anak na pawang mga menor de edad. Sa kabila ng pagpapakilalang sibilyan, pinatay ng mga sundalo si Gracilla sa harap ng kanyang mga anak. Matapos ang insidente, ninakaw ng mga sundalo ang selpon at pera ni Gracilla.

Noon namang Setyembre 26, pinatay din sa pamamaril ng 31st IB si Emarlo Gamba, 28, drayber ng traysikel at residente ng Barangay San Julian, Irosin sa parehong prubinsya. Si Gamba ay dating aktibista. Habang nagpapasada ng kanyang traysikel sa hangganan ng mga barangay ng San Pedro at San Julian, sinundan at binaril siya ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo.

Noong Setyembre 24, isang drayber ng traysikel sa Irosin ang tinangka ring patayin. Binaril si Rodolfo Abion ng dalawang hindi nakilalang lalaki. Natamaan siya ng bala sa kanang braso ngunit nagamot din sa Irosin Hospital. Ayon kay Abion, tatlong beses na siyang pinagbintangan ng militar na kasapi ng BHB kahit pa paulit-ulit niya itong itinatanggi.

Iligal na pag-aresto. Tatlong lider-Lumad ang iligal na inaresto ng mga elemento ng 36th IB noong Oktubre 5, bandang alas-5, sa Sityo Poog, Maitom, Tandag City, Surigao del Sur. Kinilala ang mga biktima na sina Enecito Catapte, Junie Catapte, at Lito Delicona. Ikinulong ang tatlo sa kampo ng 36th IB sa Tandag City.

Ang tatlo ay mga lider ng SIDLAK (Sustinidong Ipalambo ug Depensahan ang Lumadnong Kahiushan Alang sa Sumusunod nga Kaliwatan), isang organisasyon ng mga Lumad mula sa mga bayan ng Tandag, Cortez, at Lanuza, na mariing tumututol sa pagpasok ng mga kumpanya ng mina at troso sa kanilang lupaing ninuno.

Bago sila arestuhin, naiulat ng tatlong lider na paulit-ulit silang sinasabihan ng mga sundalo na magtungo sa kanilang himpilan. Pinipilit din ng militar ang mga lider SIDLAK na ipasara na ang kanilang paaralan sa komunidad, ang Tribal Filipino Program of Surigao del Sur.

Samantala, naglabas ng mandamyento de aresto ang reaksyunaryong korte batay sa gawa-gawang mga kaso laban sa higit 30 lider at kasapi ng mga progresibong organisasyon sa Misamis Oriental. Dalawa sa kanila ang inaresto noong Oktubre 4. Kinilala ang mga biktima na sina Jerry Basahon, lider ng Misamis Oriental Farmers Association, at Merlita Dorado, koordineytor ng Gabriela sa parehong prubinsya.
Noong Setyembre 21, sinampahan din ng gawa-gawang kaso ng pagpatay sina Wildon Barros, lider ng Kilusang Mayo Uno-Northern Mindanao Region (NMR), at Arthur Colao ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-NMR.

Iligal ding inaresto ng 24th IB ang limang myembro ng Salakniban Pita Takay (Ipagtanggol ang ating Lupain), isang organisasyong masa sa Sallapadan, Abra nitong Oktubre 6. Dinala ang lima sa kampo ng militar sa Barbarit, Lagangilang.

Militarisasyon. Okupado ng mga sundalo ng 50th IB ang mga baryo sa mga bayan ng Balbalan at Pinukpuk sa Kalinga na nagdudulot ng takot sa mga residente, nagresulta sa mga paninira at pagnanakaw ng kanilang mga ari-arian at pagka-antala ng kabuhayan ng taumbaryo.

Nagkampo ang mga sundalo sa gitna ng mga komunidad at sapilitang nagrerekrut para sa CAFGU at Barangay Intelligence Network, at nagpapasurender sa taumbaryo bilang mga kasapi ng BHB.
Sa Samar, simula Setyembre 15 ay hinahalihaw din ng 87th IB ang mga barangay ng Biri, Binanggaran at Daligan sa bayan ng Calbiga. Inirereklamo ng mga residente ang pag-okupa ng mga sundalo sa mga simbahan pati ang dancing hall. Nilagyan din ng mga sundalo ng mga numero ang mga bahay, nagsensus at nag-iinteroga sa taumbaryo. Sa isang sayawan, nanutok ng baril ang mga lasing na sundalo sa mga residenteng nagkakasiyahan.

Sa Kalamansig, Sultan Kudarat, sinunog ng mga Marines ang bahay ng magsasakang si Blanko Kansal, at pinagbubunot at hinawan ang kanyang mga pananim para makalapag ang helikopter ng militar. Maliban dito, nilagyan din ng mga sundalo ng dumi ng tao ang mga unan at ikinalat ang kanyang imbak na bigas at asin.

Ang dingding ng bahay ng kanyang kapitbahay na si Salba Kamandan ay pinagtataga naman ng mga sundalo upang gawing panggatong.
Isinagawa ng mga sundalo ang mga paglapastangan na ito matapos silang ambusin ng BHB noong Setyembre 16 at 17 malapit sa lugar.

Crackdown. Sunud-sunod naman ang “red-tagging,” panggigipit, at pananakot na ginagawa ng militar sa ibaít ibang progresibong grupo at personalidad kaugnay ng pekeng pakanang “Red October.”
Sina Joseph Pausal, national coordinator ng Kilos Na Manggagawa! at Neditha Jadie, pambansang kalihim ng Kilusang Mayo Uno Campaign Department, ay kapwa tiniktikan at ginipit ng mga ahente ng rehimen. Sa magkahiwalay na insidente, sinundan sila ng mga nagpakilalang sundalo at sinabihang huwag nang mag-organisa ng mga manggagawa.

Maging ang mga taong-simbahan ay hindi ligtas sa mga pananakot at “red-tagging.” Noong Setyembre 28, inulat ni Iglesia Filipina Independiente (IFI) Rev. Felix Espra Jr., kura-paroko ng Tigbao, Zamboanga del Sur, na pinintahan ang mga pader ng kanyang kapilya ng “IFI=NPA,” ìBishop Ablon=NPAî at iba pa. Si IFI Bishop Antonio Ablon ay kasalukuyang tagapangulo ng Karapatan-Western Mindanao. Ginigipit din ang iba pang relihiyoso na kasapi ng Oblates of Notre Dame na nakabase sa General Santos City. Tumutulong ang naturang organisasyon sa mga Lumad, partikular ang grupong Taboli-Manobo S’daf Claimants Organization.