State of "No Address" 2018: Kawalan ng pabahay para sa maralita

Kumportableng buhay ang pangako ni Duterte sa mamamayan sa unang araw niya bilang pangulo. Nangako rin siya ng kaayusan at kapayapaan sa mga komunidad, gayundin ng trabaho at pabahay sa mahihirap. Malinaw na pagpapaganda niya ito sa mamamayan, lalupa’t mayorya sa mga bumoto at umasa sa kanyang administrasyon ay mga maralita.
Makalipas ang dalawang taon, wala nang natira sa pakitang-taong mga pangako ni Duterte. Sa halip, litaw na litaw na ang kanyang pagiging likas na matapobre at numero unong kalaban ng mga maralita.
Pinakawalan niya ang serye ng brutal at malulupit na gera na pangunahing tumatarget sa maralita. Dagdag sa Oplan Tokhang ng kanyang hungkag na gera kontra-droga, nanalasa ang kanyang Oplan Rody o Rid the Streets of Drunkards and Youth at Oplan Tanggal-Tambay. Sa loob ng isang buwan mula nang ipag-utos niya ang iligal na kampanya, umabot na sa 50,000 ang inaresto at kinikilan, daan-daan ang inabuso at dalawa na ang napatay habang nasa kustodiya ng PNP.
Wala siyang ginawa para ibsan ang kanilang kahirapan. Sa halip, lalupa niyang pinalala ang kanilang kalagayan sa pagpataw ng dagdag na mga bagong buwis, pagdemolis ng kanilang mga tahanan at pagtangging gawing regular ang marami sa kanila na nagtatrabaho bilang mga kontraktwal.

Krisis sa paninirahan

Isa sa mga susing usapin para sa mga maralita ang disente at murang pabahay. Marami sa kanilang tinaguriang “tambay” ay mga maralitang nasa mga barungbarong na walang hardin o sala na maaaring pahingahan. Karamihan sa kanila ang nagsisiksikan sa iisang kwarto kung kaya’t ekstensyon ng kanilang tahanan ang lansangan.
Ang National Capital Region (NCR) ang may pinakamaraming populasyon sa bilang na 12 milyon katao. Tatlong milyon dito ang nasa mga maralitang komunidad. Sa kasalukuyan, ang NCR ang pinakamasikip na rehiyon sa buong mundo na may 19,988 katao bawat kilometro kwadrado. Dito nagsisiksikan ang daan-daan libong pamilyang manggagawa at mala-manggagawa na hindi sapat ang sahod at kita para magbayad sa disenteng pabahay. Ito rin ang pinakamalapit sa kanilang kabuhayan.
Pinangangambahan ng mga maralita ang malawakang demolisyon sa ilalim ng programang imprastruktura ng rehimen. Sa tala ng Kadamay, may 200,000 pamilya na ang inaasahang madedemolis habang 104,229 pamilya ang idineklarang naninirahan sa peligrosong mga lugar na nangangahulugan din ng sapilitang pagpapalayas.
Kung mayroon mang relokasyon, kadalasa’y mahal at malalayo ang mga bahay sa kanilang kabuhayan. Sa datos ng Kadamay, ang 22 metro kwadradong mga bahay ay nagkakahalaga ng P305,000-P600,000. Kung sa loob ng syudad ang relokasyon, hindi bababa sa P2,000 bawat buwan ang kanilang amortisasyon at kung hindi makakabayad ay palalayasin sa kanilang mga tahanan.
Sa relokasyong Northville at Southville pa lamang sa Pampanga at Bulacan, may 600,000 residente na ang hindi nakakabayad ng amortisasyon.
Dagdag na pahirap ang kumplikadong paraan, gastos at bagal ng proseso sa aplikasyon para sa pabahay, kabilang ang paghingi ng samutsaring mga papeles. Iniulat ng Kadamay na dahil sa hirap ng proseso at kawalan ng kakayahang magbayad, may 55,000 kabahayan ang nakatiwangwang at wala namang nakikinabang.
Ito ang nag-udyok sa grupo ng mga maralita na ilunsad ang kampanyang “Occupy Pabahay” o pag-okupa sa nakatiwangwang na mga pabahay sa Bulacan at Rizal noong Hunyo 2017.
Makalipas ang isang taon, hindi pa rin buong naigagawad sa kanila ang pabahay. Hindi inilalabas ng National Housing Authority ang Implementing Rules and Regulations ng Joint Resolution No. 2 na pinirmahan ni Duterte, mga senador at kongresista noong Mayo 9 na nag-utos na ipamahagi na ang nakatiwangwang na pabahay at ang mga entry pass na kinakailangan upang makabitan ng linya ng kuryente at tubig ang relokasyon.
Dagdag pa ng grupo, paulit-ulit din nilang sinubukang makipag-dayalogo sa NHA para sa pagpapatupad ng Joint Resolution No. 2 subalit patuloy nitong itinataboy ang mga maralita.
Inutil at patuloy na nagbibingi-bingihan ang gubyerno sa hinaing ng mga maralita para sa disente at abot-kayang pabahay. Barya ang inilaan nito sa kasalukuyang badyet para sa pagpapatayo ng mga pabahay. Sa P460 bilyong kinakailangan, P2.2 bilyon lang ang inilaan ni Duterte para sa relokasyon habang bilyun-bilyong piso naman ang inilaan nito para sa kanyang todo-gera laban sa mamamayan.