Sosyalistang ekonomya

Sentralisadong plano sa pagpapaunlad ng ekonomya, pambansang industriyalisasyon, nasyunalisasyon ng lupa ng mga panginoong maylupa at pagsulong ng industriya ang programa sa ekonomya na itinaguyod ng Rebolusyong Oktubre 1917.

Ang programang ito ang nagbigay ng tulak sa sumunod na mga yugto ng sosyalistang konstruksyon. Kalagitnaan ng 1937, dalawang dekada lamang matapos ang rebolusyon, isa nang modernong sosyalistang bayan ang Soviet Union. Inabot nito ang mahigit 700% ng antas ng produksyon bago ng digmaang pandaigdig. Mula sa karalitaang dulot ng awtokrasya ni Tsar Nicolas at panggigipit ng iba’t ibang mas malakas na imperyalistang bayan, naibangon ang Rusya upang maging isa sa pinakamakapangyarihang bayan sa buong daigdig. Sa panahon ng kanilang henerasyon at sa kagyat na sumunod na henerasyon ay tinamasa agad ng mamamayang nagrebolusyon ang mas matiwasay at masaganang buhay.

Matapos ang gera sibil noong 1921, ipinatupad ang New Economic Policy (NEP o Bagong Patakarang Pang-ekonomya) upang maibangon ang ekonomyang winasak ng gera. Pinalitan ng sistemang buwis ang sistemang surplus-appropriation. Pinasigla ang agrikultura, pinalawak ang produksyon ng butil at mga industriyal na pananim, pinasigla ang sirkulasyon ng mga kalakal, pinaunlad ang suplay sa mga bayan, at lumikha ng bagong pundasyon ng alyansa ng mga manggagawa at magsasaka. Nang maabot na ang isang antas ng pagpapasigla noong 1928, inilunsad ang unang limang-taong plano para sa sosyalistang konstruksyon, kung saan naglaan ang estado ng 64.6 bilyong rubles ($12.3B) na puhunan para sa pambansang pagpapaunlad ng industriya, elektrisidad, transportasyon at agrikultura. Layunin ng planong ito ang pagtatayo ng industriyang makapaglilikha ng kinakailangang ekwipment at magrereorganisa hindi lang ng buong industriya kundi maging transportasyon at agrikultura sa batayang 350% pagdami ng nakapag-aral sa elementarya at hayskul 142% pagdami ng inaning butil sosyalista. Naabot ang target ng limang-taong plano sa mga loob ng apat na taon at tatlong buwan at naging pangunahing salik na ng ekonomya ang sektor ng estado. Sunod namang inilunsad ang ikalawang limang- taong plano noong 1932. Nilayon nitong abutin ang walong beses na pag-unlad ng ekonomya kumpara sa antas nito noong bago ang digmaang pandaigdig. Naglaan ng malaking pondo ang estado para sa mekanisasyon at modernisasyon ng agrikultura, teknikal na rekonstruksyon ng transportasyon at komunikasyon, at higit na pagpapaunlad sa antas ng pamumuhay ng mga manggagawa at magsasaka. Sa determinasyon ng masang anakpawis at sentralisadong pamumuno ng estado, nakamit ang mga target nito nang mas maaga kaysa sa plano.